Mga karapatan ng pasyente at mga bagay na nais naming ipatupad

Sa Shimane Prefectural Central Hospital, nilalayon namin ang pagkakaroon ng medikal na kapaligiran kung saan nakakapagpatingin nang walang pag-aalala ang mga tao, at nilinaw namin ang “mga karapatan ng lahat ng pasyente” at ipinaunawa ito sa lahat ng mga kawani. Bukod dito, itinakda rin namin ang mga bagay na nais naming ipasunod sa mga pasyente (mga responsibilidad).

Mga Karapatan ng Lahat ng Pasyente

1. Karapatang sumailalim sa maayos na medikal na paggamot

May karapatan ang sinuman na hindi dumanas ng diskriminasyon at sumailalim sa makatarungan at maayos na medikal na paggamot.

2. Karapatang mabigyan ng paliwanag

May karapatan na mabigyan ng paliwanag na sapat at madaling intindihin tungkol sa detalye ng sakit at paggamot nito, bisa at kapanganiban ng pagsusuri atbp.

3. Karapatang magpasya sa sarili

May karapatang pumili/magpasya o tumanggi ayon sa sariling kalooban tungkol sa pagsusuri o paraan ng paggamot atbp. pagkatapos mabigyan ng sapat na paliwanag at impormasyon.

4. Karapatang humiling ng opinyon ng ibang doktor (second opinion)

Upang maging kasiya-siya ang medikal na paggamot, may karapatang humiling ng opinyon ng ibang doktor (second opinion) sa anumang bahagi ng paggamot.

5. Karapatang humiling ng paglalantad ng impormasyon

May karapatang mabigyan ng sapat na paliwanag ukol sa sariling detalye ng pagpapatingin at paggamot, kabilang ang pagpapalantad ng sariling rekord nito. Kung kinakailangan, may karapatan ding pumili ng taong tatanggap ng impormasyon kapalit ng sarili.

6. Karapatang mapangalagaan ang lihim na personal na impormasyon

May karapatang mapangalagaan ang lihim na personal na impormasyon na nakuha sa proseso ng pagpapatingin at paggamot.

7. Karapatang mapangalagaan ang karangalan bilang tao

May karapatang maigalang ang pagkatao at mga bagay na binibigyang-halaga, at mapanatili ang karangalan bilang isang tao. May karapatan ding mapangalagaan ang privacy.

Mga Bagay na Nais Naming Ipasunod

1. Responsibilidad na magbigay ng impormasyon

Upang sumailalim sa maayos na medikal na paggamot, ibigay sa mga manggagamot ang tumpak, hangga’t maaari, na impormasyon ukol sa sariling kalusugan.

2. Responsibilidad na makipagtulungan sa mga manggagamot sa pagpapatingin at paggamot

Upang pataasin ang bisa ng paggamot, mahalaga ang saloobin ng pasyente na pagalingin ang sakit sa sariling gawa at sa tulong ng mga manggagamot. Isagawa nang aktibo ang mga kinakailangang paggamot, pagsusuri atbp. Kung may hindi malinaw tungkol sa proseso ng paggamot, tiyaking itanong ito sa mga manggagamot.

3. Responsibilidad na makipagtulungan sa pagtataguyod ng angkop na medikal na kapaligiran

Upang maituon ang buong atensyon ng lahat ng tao sa paggamot habang nasa angkop na medikal na kapaligiran, sundin ang mga patakaran sa lipunan at ospital, at ang utos ng mga kawani. Bukod dito, agad na magbayad kapag siningil ng mga medikal na bayarin.
Ipinagbabawal ang mga kriminal na gawain, nakakaabalang gawain at iba pang katulad nito (marahas na salita, marahas na kilos, pagbabanta, pagnanakaw; pagdadala ng mapanganib na gamit; walang paalam na paglabas o pagtulog sa labas ng ospital sa loob ng panahon ng panunuluyan sa ospital; nakakaabalang gawain sa ibang pasyente o sa mga manggagamot; sexual harrassment; atbp.).
Kapag ginawa ang mga nabanggit sa itaas at nakaabala ng ibang pasyente o nakahadlang sa pagpapatingin at paggamot, maaaring tanggihan ang pagpapagamot sa ospital na ito. Kung kinakailangan, maaaring ireport ito sa pulis.

4. Responsibilidad na makipagtulungan sa pagpapaunlad ng tauhan sa paggamot

Ang ospital na ito ay isa ring institusyong pang-edukasyon, kung kaya’t hinihingi namin ang inyong pag-unawa at pakikipagtulungan sa aming pagsasagawa ng practical training o pagsasanay ng mga medikal na estudyante, nursing student, atbp.